Pinag-aaralan ng Department of Education (DepEd) ang paglilipat ng pagbubukas ng school year 2020-2021 sa buwan ng Agosto dahil sa patuloy na banta ng coronavirus disease 2019 (COVID-19).
Sinabi ni DepEd Sec. Leonor Briones, ito ang natatanggap nilang kahilingan kaya kanilang titimbangin nang husto ang posibilidad ng pag-urong ng school opening mula Hunyo 1 patungong Agosto.
“Titingnan natin kung ano ang reaction ng public,” wika ni Briones.
Sakaling ilipat nila sa Agosto ang pagbubukas ng klase sa mga paaralan, magiging permanente na at ito na rin umano ang susundin sa mga susunod pang school year.
Paliwanag pa ng kalihim, maraming implikasyon kapag inusog ang school opening sa Agosto dahil maraming holiday sa panahon ng summer at kabi-kabila rin ang mga piyesta sa mga baryo.
Kokonsulta rin aniya muna sila sa mga stakeholders kung kailan magandang ilipat ang pagbubukas ng school year 2020-2021.
Ani Briones, magsasagwa raw sila ng survey dahil nais ng ilan na iurong sa Hulyo ang school opening, habang ang iba naman ay mas gusto ang buwan ng Agosto.
Una nang naglipat ng school opening ang ibang unibersidad at kolehiyo sa Pilipinas bilang pagtalima sa schedule ng mga paaralan sa ibang bansa.