-- Advertisements --
image 448

Iminungkahi ng Department of Education (DepEd) ang higit sa pagdoble ng budget para sa school-based feeding program (SBFP) para masakop ang isang buong school year o 220 feeding days.

Sinabi ni DepEd Assistant Secretary Francis Cesar Bringas na ang panukalang pondo para sa school-based feeding program sa ilalim ng 2024 National Expenditure Program (NEP) ay P11 billion, mula sa dating P5 billion.

Aniya, ito ay isang 105% na pagtaas na nauugnay sa pagtaas ng bilang ng mga araw ng pagpapakain mula 120 hanggang 220 araw, na sumasaklaw sa buong taon ng pag-aaral.

Paliwanag ni Bringas, nalaman ng DepEd sa gitna ng pagpapatupad ng nasabing feeding program na may posibilidad na bumalik sa malnutrition status ang mga mag-aaral kung papakainin lamang sila ng 120 araw.

Ang school-based feeding program ay isa sa tatlong pambansang programa sa pagpapakain para sa mga batang kulang sa nutrisyon sa ilalim ng RA 11037 o ang Masustansyang Pagkain Para sa Batang Pilipino Act pati na ang iba pang batas na nauukol sa nasabing issue.

Sa ilalim nito, ang mga batang kulang sa nutrisyon mula kindergarten hanggang Grade 6 ay binibigyan ng deworming tablets at pinapakain ng hindi bababa sa isang fortified meal at micronutrient doses sa mga tabletas, capsule o syrup nang hindi bababa sa 120 araw sa isang taon ng pag-aaral.

Ayon kay Bringas, nais ng DepEd na palawakin ang nutrition food product component sa 220 feeding days at ang milk component sa 47 hanggang 55 araw.