-- Advertisements --

Aabot na sa P3.7 billion ang nailabas na pondo ng Department of Education (DepEd) na karagdagang pondo sa 44,851 public schools para sa kanilang maintenance and other operating expenses (MOOE) para mapalakas pa ang kanilang pagtugon laban sa COVID-19.

Ang pondong ito ay ilalaan para sa reinforcement ng bagong normal set-up at implementation ng minimum health requirements sa mga paaralan.

Ayon kay Education Undersecretary for Finance Annalyn Sevilla, naipamahagi na ng DepEd ang MOOE sa kanilang field offices at umaasa silang magamit ng husto ang pondong ito.

Bagama’t hindi pumapasok ng personal sa mga paaralan ang mga estudyante, sinabi ni Sevilla na operational pa rin ang mga paarlaan at gumagamit pa rin ng mga school facilities ang mga guro.

Sinabi ni Education Chief Leonor Briones na layon din ng kagawaran na tuloy-tuloy na masuportahan ang kanilang mga tauhan na nagtatrabaho sa field sa gitna ng pandemya.