-- Advertisements --

Naglabas na ang Department of Education (DepEd) ng mga alituntunin ng School Calendar and Activities para sa School Year 2022-2023 sa lahat ng mga pribado at pampublikong paaralan sa bansa.

Alinsunod ito sa nilagdaang DepEd Order No. 034, series of 2022 ni Vice President at Education Secretary Sara Duterte-Carpio na nagtakda naman sa pagsisimula ng naturang pasukan mula August 22, 2022 at magtatapos naman pagsapit ng Hulyo 7, 2023.

Sa isang statement ay sinabi ng DepEd na nagbigay na rin sila ng directions at guidance para pa rin sa muling pagbubukas ng mga paaralan sa bansa at magkakaroon din anila ng limang araw na gradual introduction ng in-person learning modality classes.

Wala rin magaganap na anumang pag i-inspeksyon, tools, o anumang karagdagang requirements para sa muling pagbubukas ng mga paaralan at ng nasabing gradual introduction ng in-person learning modality classes.

Samantala, sa kabilang banda naman ay iniulat din ng DepEd na opisyal na ring magsisimula ang learning intervention para naman sa Alternative Learning System (ALS) sa kaparehong petsa.

Habang nakadepende naman sa educational background o existing knowledge level ng mag-aaral bago mag-enroll sa ALS program ang itatagal ng nasabing programa.