Magsusumite ang Department of Education (DepEd) ng kanilang proposal kay Pangulong Rodrigo Duterte hinggil sa pagbubukas ng klase sa susunod na school year.
Ayon kay DepEd Undersecretary Annalyn Sevilla, kabilang sa mga options sa kanilang rekomendasyon ay simulan ang pasukan para sa school year 2021-2022 sa darating na Agosto 23, gaya nang nauna nilang inanunsyo.
Magugunita na ang pasukan sa nagdaang school year ay inilipat noong Oktubre 2020 mula sa dapat ay Agosto.
Iyon ay matapos na pirmahan ni Pangulong Rodrigo Duterte ang isang batas para sa adjustment ng pasukan lagpas ng buwan ng Agosto sa tuwing mayroong state of emergency o calamity.
Samantala, sinabi ni Sevilla na hindi rin papayagan ang face-to-face classes hangga’t hindi ito inaaprubahan ng COVID-19 task force ng pamahalaan, ng Department of Health, at ni Pangulong Duterte mismo.
Magugunita na dahil sa pandemya, ginawang distance learning ang sistema nang pag-aaral ng mga estudyante kung saan gumagamit ng mga modules, palabas sa telebisyon, programa sa radyo at internet para sa mga klase.