-- Advertisements --

Inatasan ng Department of Education (DepEd) ang lahat ng pampublikong paaralan sa bansa na magsagawa ng simple at murang graduation at moving-up ceremonies para sa School Year 2025–2026, bilang tugon sa tumataas na gastusin sa transportasyon at presyo ng bilihin.

Sa ilalim ng DepEd Memorandum No. 015, s. 2026, ipinagbabawal ang anumang koleksyon ng fees o kontribusyon mula sa mga estudyante para sa end-of-school-year rites. Ayon kay Education Secretary Sonny Angara, layunin nito na mapagaan ang pasanin ng mga pamilya.

Ipinag-utos din na iwasan ang magastos na venues at gawing inklusibo ang mga seremonya, habang maaaring gamitin ang school MOOE para sa gastos.

Tinatayang 1.9 milyong Grade 6 at 1.8 milyong Grade 12 learners ang magtatapos ngayong taon, at nakatakda ang mga seremonya sa Marso 30 o 31, 2026. (report by Bombo Jai )