Iniimbestigahan na ng Department of Education (DepEd) ang isa sa kanilang emplayado na umano’y sangkot sa scam na nag-aalok ng posisyon sa gobyerno kapalit ng pera.
Inisyu ng ahensiya ang naturang pahayag matapos ang pag-aresto sa isang Diokno Eje alias “Vaughn Vincent,” na umano’y utak sa likod ng scam at inaresto sa Taguig city makaraang tutukan nito ng baril ang isang rider ng motorsiklo.
Sinabi din ng DepEd na iniimbestigahan na rin nito ang kaparehong kaso ng fraudulent dealings ng kanilang empleyado na nagngangalang ‘Maricon’.
Isinasailalim na rin sa administrative proceedings ang ilang mga kaso.
Ayon sa DepEd, nakapagbigay na ang mga complainant ng critical information laban sa nasabing empleyado at hinihikayat ang mga may nalalaman sa transaksiyon kay Maricon na lumantad at makipagtulungang sa pagbibigay ng impormasyon.
Kung maaalala, nasa 8 umano’y presidential appointees ang nagtungo sa Palasyo ng Malacanang noong Enero 27 matapos na atasan ng isang Undersecretary Eduardo Diokno at Assistant Secretary Johnson See na magtungo sa Palasyo para sa kanilang panunumpa na papangunahan umano ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr.
Kapalit nito ay nagbigay ng malaking halaga ng pera ang mga biktima para makapag-secure ng posisyon sa gobyerno matapos na makatanggap ng imbitasyon kaugnay sa bakanteng posisyon sa gobyerno.