-- Advertisements --

Nanawagan ang ilang kongresista sa Department of Education (DepEd) na ipagpaliban resumption ng mga pasok ngayong taon.

Sinabi ni Ang Probinsyano party-list Rep. Ronnie Ong na hindi dapat ipilit ang pagkakaroon ng virtual classrooms sa gitna ng COVID-19 pandemic.

Kawawa lamang ayon kay Ong ang mga estudyante na walang kakayanan na bumili ng mga e-learning gadgets at may maayos na internet connection para makapag-aral sa darating na pasukan.

Dagdag sa pasanin din aniya ng mga magulang ang pagsasagawa ng virtual classes lalo na ngayong mayroong public health crisis kung kailan mahirap ang pamumuhay.

Hindi aniya maikakaila na marami pa ring mga lugar sa bansa ang walang maayos na internet connectivity, bukod pa sa marami ring mga magulang ang walang kakayanan na bumili ng smartphones, tablets at laptop.

“Halos wala nang makain ang marami sa ating mga magulang dahil walang hanapbuhay habang naka-quarantine,” ani Ong.

Ang DepEd ay naglabas kamakailan ng Learning Continuity Plan (LCP) kung saan maaring pagpilian ng mga paaralan kung kung papaano tuturuan ang mga estudyante nito tulad nang pagsasagawa pa rin ng face-to-face learning o sa pamamagitan ng online.

Ayon kay Ong, dapat ngayon pa lang ay maglabas na deklarasyon ang DepEd para sa postponement ng pasukan upang hindi mapilitang bumili ang gadget ang mga magulang.