-- Advertisements --

Hinimok ni Ang Probinsyano party-list Rep. Ronnie Ong ang Department of Education (DepEd) na magtatag ng mas marami pang E-Learning centers sa buong bansa.

Ginawa ni Ong ang naturang pahayag kasunod ng napipintong pagbubukas ng klase sa darating na Oktubre 5, 2020.

Batid ni Ong na marami pa ring mga estudyante ang walang sapat na kagamitan para sa blended learning system na ipapatupad sa pasukan.

Sa pamamagitan ng E-learning centers, magkakaroon ng access sa computers na may malakas na wifi connection ang mga estudyante na walang magagamit na gadgets sa kanilang pag-aaral.

Binigyan diin ni Ong na tulong na rin ito hindi lamang sa mga estudyante kundi maging sa mga guro na rin.

Kung nais aniya ng DepEd na makapagbigay ng kalidad na edukasyon sa gitna ng pandemya ay nangangailangan ang bansa ng isang E-Learning center sa bawat barangay.

Sa ngayon, nakapagtatag na si Ong ng siyam na E-Learning centers sa iba’t ibang panig ng bansa.

Kabilang na rito ang Baguio, Manila, Pasig, Danao at Tuburan sa Cebu, at sa apat na munisipalidad ng Poro, Pilar, Tudela, pati na rin sa San Francisco sa Camotes Islands.