Kakailanganing umano ng Department of Education (DepEd) na gumastos ng P40 billion kada school year para i-print ang mga self-learning modules sa mga estudyante ngayong taon.
Ayon kay Education Usec. Annalyn Sevilla, inaasahan na raw ng education sector na magtatagal ang coronavirus pandemic kung kaya aabot ng P20 billion ang kailangang ilabas ng DepEd sa first two quarters na nalalapit na school year.
P40 billion naman magagastos nito sa 3rd at 4th quarter kasama na rito ang 1st at 2nd quarter ng 2021-2022 school year.
Sa ilalim kasi ng P605.74 billion proposed budget ng DepEd para sa 2021, P15 billion lamang ang nakalaan para sa printing ng self-learning modules at P5 billion naman para sa unprogrammed funds.
Hirit pa ng DepEd, dahil inilipat ang schedule ng school year sa Oktubre ay tatagal lamang ng pang isa o dalawang linggo lamang ang na-print na modules at naipamigay na sa mga mag-aaral.
Napansin naman ni Senator Sherwin Gatchalian na walang umanong budget na inilaan ang DepEd para sa kanilang special education (SPED) program.
Paliwanag ni Sevilla na ginamit ang naturang budget para sa COVID-19 response ng gobyerno ngunit sinigurado naman ni DepEd Sec. Leonor Briones na may sapat na pondo silang inilaan para sa kanilang SPED students.










