Pansamantala munang isasara sa publiko ang central office ng Department of Education (DepEd) sa lungsod ng Pasig upang magbigay-daan sa gagawing disinfection at contact tracing activity.
Sa isang pahayag, sinabi ng DepEd na tatagal ang temporary closure hanggang sa araw ng Linggo, Agosto 23.
Si DepEd Sec. Leonor Briones mismo ang nagbaba ng nasabing kautusan para siguruhin ang kalusugan at kaligtasan ng skeleton workforce ng kagawaran.
Bagama’t ang lahat ng kawani sa central office ay pansamantalang nasa work-from-home na setup, tiniyak ng DepEd na patuloy pa rin ang kanilang pagbibigay serbisyo nang walang pagkaantala.
Pinoproseso na rin aniya ang mga obligasyong pinansyal, sahod, at benepisyo ng mga guro at kawani ng DepEd na agad namang ibibigay sa kanila ng ahensya.