Inatasan ni Pangulong Ferdinand Marcos ang mga opisyal ng transportasyon na palakasin ang mga hakbang na magpapahusay sa sektor ng maritime at aviation ng bansa upang lumikha ng mas maraming trabaho at makamit ang pagbangon ng ekonomiya.
Ayon kay Office of the Press Secretary officer-in-charge Cheloy Garafil, tinalakay sa 11th cabinet meeting ang mga programa sa maritime at aviation sector.
Aniya, ang transportation sector ang isa sa mga priority sectors ng Pangulo ng bansa kung kaya ay hiniling nito sa Department of Transportation na mag-present ng mga programa sa maritime at aviation sector.
Idinagdag niya na iniutos din ni Marcos ang pagbuo ng isang plano sa pagpapaunlad ng maritime industry upang mapahusay ang industriya ng maritime.
Nanawagan din ang Pangulo na ayusin ang mga daungan para mas maraming cruise ship ang makadadaong sa bansa at mapalakas ang industriya ng turismo.
Inatasan din ni Marcos ang Maritime Industry Authority na tugunan ang mga problema sa maritime schools na hindi sumusunod sa international educational quality standards, kabilang ang mga isyu na may kinalaman sa ship boarding requirements.
Kaugnay ng sektor ng aviation, inutusan ni Marcos ang departamento ng transportasyon na pangasiwaan ang mga upgrade sa paliparan ng Maynila upang tumugon sa pagtaas ng demand.