
Hindi na kailangan ang facemasks at vaccination cards sa mga tourism establishments.
Kasunod na rin ito ng paglalabas ng Department of Tourism (DoT) ng isang memorandum para lalo pang paluwagin ang health at safety protocols sa mga tourism establishments.
Base sa DoT Memorandum Circular 2023-0002, hindi na raw kailangang magprisinta ng mga turista ng proof of full vaccination sa mga tourism enterprises.
Kabilang na rin dito ang hindi na pagsusuot ng facemasks.
Ang naturang mga bagong guidelines ng DoT ay bahagi ng kanilang pagpupursige para matulungan ang tourism stakeholders na maka-recover sa epekto ng Coronavirus disease 2019 (COVID-19) pandemic.
Sinabi ni Tourism Secretary Christina Frasco na ang pinakahuling issuance ng mas pinaluwag na health at safety guidelines para sa mga tourism establishments ay bilang reinforcement sa commitment ng Department of Tourism para matugunan ang paghihirap sa ekonomiya na dulot ng mga lockdown at mga restrictions dahil sa pandemic.
Nagpapahiwatig din umano ito ng mahalagang mensahe na ang Marcos Administration at ating bansa ay bukas para sa turismo.
At patuloy daw ang isasagawang global practices sa tourism operations na nagbukas na sa buong mundo.










