-- Advertisements --
Department of Tourism office Makati

Ipinahayag ng Department of Tourism (DOT) ang kanilang optimismo sa patuloy na pagbangon ng industriya ng turismo ng bansa.

Ito ay sa pagbabalik ng group travel at chartered flights mula sa mga nangungunang pinagmumulan nitong merkado kabilang ang China.

Kung matatandaan, tumanggap ang Boracay Island ng kabuuang 180 Chinese tourist sakay ng isang chartered flight mula Changsha, China patungong Kalibo, Aklan.

Ang flight ay ang unang chartered flight mula sa China mula nang muling buksan ang merkado para sa international travelers mula noong Enero 8.

Upang bigyan ang mga bisita ng isang preview ng mainit na Filipino hospitality, pinangunahan ng DOT ang isang welcome reception para sa kanila sa kanilang pagbaba sa Kalibo.

Ayon kay DOT Sec.Christina Garcia Frasco, ito nagpapakita lamang ng katotohanan na ang Boracay ay nananatiling tanyag na destinasyon para sa mga turistang Tsino.

Matatandaang ang mga turistang Tsino ang numero unong dayuhang bisita sa Boracay na humigit-kumulang 434,175 noong 2019, at bago ang pandaigdigang pagtigil ng turismo na dulot ng pandemya ng COVID-19.