Namahagi ng tulong ang Department of Social Welfare and Development (DSWD) sa mga pamilyang apektado ng oil spill mula sa lumubog na motor tanker na MT Princess Empress sa Oriental Mindoro.
Ayon sa DSWD, personal na pinangunahan ni Secretary Rex Gatchalian ang pamamahagi ng tulong sa ilalim ng Assistance to Individuals in Crisis Situations, at cash-for-work programs ng ahensiya.
Saad ng kalihim na ito ay isang patuloy na pagsisikap ng ahensiya para matulungan ang mga apektadong mangingisda na hindi makapaghanapbuhay dahil sa oil spill.
Nakapagpamahagi na rin ng family food packs sa 7,000 pamilya sa anim na munisipalidad na apektado ng oil spill sa may Naujan, Pola, Pinamalayan, Bongabong, Gloria, at Bansud.
Nangako rin ang DSWD na magbibigay ng 10,000 family food packs sa bawat apat na araw sa mga apektadong pamilya sa probinsiya.
Magsasagawa rin ang kagawaran ng cash-for-work program sa susunod na linggo para matulungan ang mga residente na makabangon mula sa epekto ng naturang insidente.