-- Advertisements --
image 83

Iimbestigahan ng Department of Justice ang mga kaso nang pagkamatay ng 18 high profile inmates sa New Bilibid Prison.

Ginawa ni Justice Secretary Jesus Crispin Boying Remulla ang pahayag nang makita ang mga bangkay ng mga hindi nakilalang indibidwal sa Eastern Funeral Homes, sa Alabang, Muntinlupa City, ang puneraryang accredited ng Bureau of Corrections.

Sa naturang punerarya dinala ang bangkay ng middleman sa Percy Lapid slay case.

Nabatid na hindi pa naki-claim ng pamilya ng mga namatay na preso sa loob ng NBP ang mga nasabing bangkay na mag-iisang taon na ngayon.

Nagdududa naman ang kalihim sa tunay na naging sanhi ng kamatayan ng tinatayang 15 hanggang sa 18 high profile inmates sa NBP na naganap sa kasagsagan ng COVID-19, at sa ilalim ng termino ng pinaghahanap ngayon na si dating BuCor Director Generated Gerald Bantag.

Kabilang sa mga pumanaw dahil sa sinasabing COVID-19 ay sina Benjamin Marcelo, ang pinuno ng mga presong Chinese sa NBP; Amin Imam Buratong, operator ng shabu market sa Pasig City; Jimmy Kinsing Hung, Francis Go, Jimmy Yang, Eugene Chua, Ryan Ong, Zhang Zhu Li at Jaybee Sebastian, ang kapwa akusado sa kasong illegal drugs trade na kinakaharap ni dating senadora Leila De Lima.