-- Advertisements --
image 35

Nakikipag-ugnayan na raw ang Department of Information and Communications Technology (DICT) sa kanilang international counterparts kaugnay pa rin sa paglaganap ng text scams sa bansa.

Ayon kay DICT Undersecretary Alexander Ramos, posible kasi umanong ang mga sources sa labas ng Pilipinas ang nasa likod ng personalized text scams o unsolicited text messages.

Kaya naman, nais nilang matukoy sa kanilang international counterparts kung mayroon silang mga record na magli-lead sa mga IP address ng mga destination servers na sangkot sa text scams.

Dagdag ni Ramos, mayroon na raw silang lead kung saan daw talaga ito nangyari.

Una rito sinabi ni Ramos na siya ring Executive Director ng Cybercrime Investigation and Coordinating Center (CICC) na ang National Privacy Commission ay nag-imbestiga na kung may mga servers na napasok ng mga hackers pero wala raw silang nakita.

Sinisilip na rin umano nila ang mga personalidad na bumibili ng maraming SIM cards para ma-trace kung saan nanggagaling ang mga text spams.

Sa isinagawang Senate hearing noong Huwebes, sinabi ni NPC deputy commissioner Leandro Aguirre na ang impormasyong ginamit ng mga text scammers ay posible raw nakuha sa mga harvested data mula sa online payments at messaging applications.

Nagbigay na rin ang National Telecommunications Commission (NTC) ng direktiba sa mga telecommunication firms na bilisan ang proseso sa pag-block sa mga SIM cards na ginamit sa mga fraudulent activities.

Iniimbestigahan na rin umano ang pagkakaaresto ng Chinese at South Koreans na sinasabing sangkot sa pagpapalaganap ng text scams sa Pilipinas.