Umaasa rin ang Department of Health (DOH) na matatapos na hindi na magiging isang public health emergency ang Covid-19 ngayong 2023.
Ginawa ng DOH ang pahayag matapos sabihin ng World Health Organization na nakikita na ang pagtatapos ng emergency phase ng pandemic ngayong taon.
Subalit sa kabila nito hindi naman nagpapakampante ang kagawaran dahil patuloy na nagbabago ang virus kung saan kada buwan ay may bagong sumisibol na variant.
Sa buong mundo, ang omicron at ang mga subvariant nito ang naging pinakakaraniwan sa mga sample na isinumite sa GISAID noong 2022.
Samantala, iniulat naman ng DOH na nananatiling nasa “low risk” ang healthcare system capacity ng bansa sa kabila ng pagtaas ng COVID at non-COVID hospital admissions.
Nagprisinta rin DOH ng 3 projection kung sakaling mas marami pang nakakahawa at immune-evasive coronavirus variants ang makapasok sa Pilipinas.
Una, inaasahang tataas ang occupancy sa ospital at Intensive care units (ICU) sa humigit-kumulang 2,000 at 250 admission naman kung walang bagong variant of concern noong nakaraang Disyembre.
Subalit ang mga kaso ay maaaring tumaas sa huling bahagi ng Marso sa 3,556 total admission at 426 ICU admission kung sakaling magkaroon ng mas nakakahawang variant.
Panghuli, inaasahang tataas sa huling bahagi ng Abril 2023 sa 4,742 ang kabuuang admission at 612 ICU admission.
Sa pinakahuling datos noong Enero 12, ang Pilipinas ay mayroong 12,006 aktibong kaso ng COVID-19 kayat nasa kabuuang 4,069,147 Pilipino na ang na-impeksyon sa coronavirus, habang nasa 65,526 naman ang nasawi.