Todo ngayon ang panawagan ng Department of Health (DoH) sa publiko na pabakunahan ang kanilang mga anak laban sa measles o tigdas dahil umano sa posibilidad na magkaroon ng measles outbreak.
Ayon kay DoH-Officer-in charge Maria Rosario-Vergeire, ito ay dahil na rin sa mababang immunization coverage ng mga Filipino children.
Aniya, nagkaroon daw sila ng pagpupulong kasama ang World Health Organization (WHO) at United Nations International Children’s Emergency Fund (UNICEF) at lumalabas na ang bilang ng mga bata sa bansa na susceptible o madaling kapitan ng tigdas ay nasa tatlong milyon.
Dahil dito, nanawagan raw ang WHO at UNICEF sa atin na kailangan nating paigtingin ang routine immunization sa bansa dahil sa posibilidad na magkaroon ng impending outbreak ng tigdas sa susunod na taon kapag walang ginawang hakbang ang pamahalaan.
Una rito, sinabi ni Private Hospitals Association of the Philippines, Inc. (PHAPI) President Dr. Jose Rene de Grano na ang mga kaso ng tigdas maging ang typhod fever ay karaniwang tumataas sa ikatlong quarter ng taon.
Para naman matugunan ang naturang problema, nakipagpulong na raw ang DoH sa kanilang mga implementing units para mapalakas pa ang routine immunization sa bansa.
Sa ngayon, nasa 62.9 percent lamang daw na mga bata ang fully immunized sa bansa na malayo pa rin sa target ng pamahalaan na 95 percent.
Inilahad naman ni Vergeire na ang mababang routine immunization coverage ay dahil sa vaccine hesitancy ng mga magulang at ang mga lockdown noong kasagsagan ng Coronavirus disease 2019 (COVID-19) pandemic.