Hinimok ng Department of Health (DOH) ang mga Pilipinong bumibisita sa kanilang mga yumaong mahal sa buhay sa mga sementeryo o columbariums na suriin ang mga panganib ng isang lugar kung kailangan pa gagamit o hindi ng mga face mask.
Inaasahang dadagsa ang mga Pilipino sa mga sementeryo sa darating (All Saints’ and All Souls’ Days).
Bagama’t pinaluwag na ang pagbabawal sa pagsusuot ng face mask, walang masama kung patuloy tayong mag-iingat.
Naglabas ang DOH ng “checklist” upang matulungan ang mga tao na masuri ang panganib ng mga naturang lugar, na inaasahang magsisiksikan.
Sinabi ng departamento ng kalusugan na dapat isaalang-alang ng publiko kung ang mga tao sa mga sementeryo at columbarium ay ganap na nabakunahan; kung ito ay masikip; kung posible na panatilihin ang layo ng hindi bababa sa isang metro mula sa iba; kung ito ay isang open-air na lugar o kung ito ay may magandang bentilasyon; at kung kaya ng mga tao ang hand sanitation.
Sa kabilang banda, sa pagtatasa ng mga personal na panganib, dapat isaalang-alang ang dalas ng pakikipag-ugnayan sa ibang tao; gaano kadalas sila pupunta sa mataong lugar; at kung malapit silang makipag-ugnayan sa mga mahihinang indibidwal tulad ng mga senior citizen, mga buntis na kababaihan, at mga may commorbidities.
Ito ang kauna-unahang pagkakataon mula nang magsimula ang pandemya na maaaring gunitain ng mga Pilipino ang “Undas,” isang tradisyonal na pagdiriwang ng mga yumaong mahal sa buhay.