Nakahanda ang Department of Foreign Affairs (DFA) para sa diplomatikong aksyon sa sandaling makatanggap ito ng beripikadong ulat sa umano’y pagdagsa ng mga sasakyang pandagat ng China malapit sa Iroquois Reef at Sabina Shoal sa West Philippine Sea.
Ayon kay Department of Foreign Affairs spokesperson na si Ma. Teresita Daza, naghihintay na lang umano ang mga opisyal ng naturang ahensya sa maiuulat at kaagad silang gagawa ng nararapat na diplomatikong aksyon kapag na-verify na ang mga paglabag ng mga sasakyang pandagat.
Dagdag dito, sinipi ng pinuno ng Western Command na si Vice Admiral Alberto Carlos at kinumpirma ang dose-dosenang mga sasakyang pandagat ng China ang lumilipat nang mas malapit sa Palawan mula noong unang bahagi ng taong ito.
Sa ngayon, ang gobyerno ng Pilipinas ay naghain ng kabuuang 193 notes verbales na kung saan 65 dito ay inilagak sa ilalim ng administrasyon ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr.
Ang pinakahuling isa ay inilabas ng Department of Foreign Affairs noong Dec. 12, na nagpoprotesta sa pag-agaw ng mga Chinese Coast Guard sa mga debris na kinuha ng Philippine Navy sa Pag-asa Island.