-- Advertisements --
image 81

Inihayag ng Department of Agriculture na malapit nang maitakda ang mas mababang suggested retail price (SRP) para sa mga sibuyas sa ikalawang linggo ng Enero ngayong taon.

Sinabi ni Agriculture Assistant Secretary at Spokesperson Kristine Evangelista na ang P250 kada kilo ng suggested retail price para sa mga sibuyas ay natapos noong araw ng Sabado, Enero 7 at siya ay nananawagan sa pangangailangang kumunsulta sa mga magsasaka, mangangalakal at retailer ng sibuyas para magtakda ng bagong Suggested Retail Price.

Aniya, inaasahan na bababa ang farmgate price na kung saan malaki ang magiging epekto din nito sa magiging presyo ng sibuyas na panibagong babantayan ng Department of Agriculture.

Binanggit pa rin sa kanilang pagpupulong sa mga stakeholder noong nakaraang buwan, sinabi ni Evangelista na ang SRP para sa mga sibuyas ay dapat na umabot ng humigit-kumulang P200 sa ikalawang linggo ng Enero.

Sa ngayon, nananatiling umaasa ang departamento na ang nalalapit na panahon ng pag-aani ng sibuyas, na inaasahang magbubunga ng 19,000 metriko tonelada ay makatutulong sa pagpapababa ng presyo ng mga produktong agrikultural ng ating bansa.