-- Advertisements --

Tiniyak ng National Irrigation Administration (NIA) na nakahanda ito sa posibilidad ng matinding epekto ng El Niño ngayong taon sa pamamagitan ng mga proyektong nakatuon sa climate resiliency at pagtitiyak ng sapat na suplay ng tubig para sa agrikultura.

Sa isang panayam, sinabi ni NIA Administrator Eduardo Guillen na matagal nang naghahanda ang ahensya para sa mga epekto ng climate change at tagtuyot.

Ayon sa opisyal, patuloy na nagpapatupad ang NIA ng mga mitigation at adaptation projects upang mabawasan ang epekto ng kakulangan sa tubig sa mga sakahan.

Bagama’t nakapagtala ng pagbaba ng water levels sa ilang dam sa bansa, sinabi ni Guillen na mahigpit nilang mino-monitor ang sitwasyon upang matiyak ang maayos na pamamahagi ng tubig para sa irigasyon.

Kasabay nito, nanawagan ang NIA sa mga magsasaka na magtanim ng mga high-value crops na hindi nangangailangan ng maraming tubig gaya ng mais at munggo upang makatulong sa pag-angkop sa epekto ng El Niño.

Ayon kay Guillen, nakikipag-ugnayan ang kanilang ahensya sa Department of Agriculture (DA) at mga lokal na pamahalaan upang matulungan ang mga magsasaka sa pagpili ng mga alternatibong pananim.

Samantala, binanggit din ng opisyal ang desisyon ng National Water Resources Board (NWRB) na pansamantalang suspindihin ang alokasyon ng tubig para sa irigasyon mula sa Angat Dam upang bigyang prayoridad ang suplay ng inuming tubig para sa mga residente ng Metro Manila.

Ipinaliwanag niya na humigit-kumulang 90 porsiyento ng inuming tubig sa Metro Manila ay nagmumula sa Angat Dam kaya kinakailangang unahin ang pangangailangan ng mga kabahayan.

Bilang pangmatagalang solusyon, sinabi ni Guillen na kasalukuyang itinatayo ang Bayabas Dam sa Bulacan, na inaasahang makatutulong sa pagdaragdag ng suplay ng tubig sa rehiyon.

Ayon sa kanya, magkakaroon ang naturang dam ng kapasidad na humawak ng hanggang 54 milyong cubic meters ng tubig.

Bukod dito, patuloy ring nagpapatupad ang NIA ng mga solar irrigation projects sa iba’t ibang lugar upang matulungan ang mga magsasaka na makayanan ang epekto ng matinding init at kakulangan sa tubig dulot ng El Niño.