ILOILO CITY – Kinumpirma ng otoridad na isang Tokhang surrenderee ang dental technician na binaril-patay sa loob ng kanyang bahay sa Lopez Jaena Norte, La Paz, Iloilo City.

Ang biktima ay kinilalang si Angelito Doldoco Yee alyas Bosyok, 53-anyos.

Sa eksklusibong panayam ng Bombo Radyo Iloilo kay Police Corporal Marell Tamayo, imbestigador ng La Paz Police Station, sinabi nito na isang drug surrenderee ang biktima ngunit hanggang sa ngayon, hindi pa tukoy ang motibo sa krimen.

Ayon kay Tamayo, simula ng sumailalim sa drug rehabilitation si Yee, hindi na ito nahuli sa mga drug operation.

Inihayag ni Tamayo na nakuha sa bahay ng biktima ang 10 open plastic sachet na may residue ng pinaghihinalaang shabu, 2 heat sealed plastic sachet na may white crystalline substance at mga drug paraphernalia.

Maliban dito, nakuha rin ang 9 na fired cartridge at apat na deform fired bullet ng hindi pa tukoy na kalibre ng armas.

Nagtamo ang biktima ng 11 tama sa dibdib na dahilan ng kanyang pagkamatay.

Sinabi naman ng kapitbahay na bago pa man ang insidente, kaniyang narinig na may umiiyak at tila nagmamakaawa at makaraan ang ilang segundo, umalingawngaw ang putok ng baril.