-- Advertisements --

Nakatakdang maglabas ng memorandum order ang Department of Environment and Natural Resources (DENR) kaugnay ng proper disposal sa gamit ng healthcare workers na exposed sa mga pasyenteng may COVID-19.

Sa isang panayam sinabi ni Environment Usec. Benny Antiporda, na bukas inaasahang ilalabas ang nasabing kautusan na layuning kalampagin ang publiko, lalo na ang local government units sa waste management ngayong panahon na may pandemic virus.

Nanawagan ang DENR na bukod sa mga healthcare workers ay proteksyunan at bigyan din ng gamit ang mga garbage collector.

Kamakailan nang maiulat ang garbage collectors sa Mandaue, Cebu na nakasuot na rin ng suit katulad ng sa mga healthcare workers.

Ayon sa Environmental Management Bureau-Central Visayas, nakatanggap sila ng mga donasyon na gamit na aabot sa P60,000 ang halaga.

May inaasahan pa rin daw silang mga dagdag donasyon na nasa halos P200,000 naman ang halaga kabuuan.

Paalala ng Environment official sa mga healthcare workers na siguruhing naihihiwalay ng tama ang kanilang disposable na mga personal protective equipment tulad ng gloves at face masks matapos gamitin.

Ang mga sanitary land fill naman ay dapat na tiyakin na mayroon silang inilaan na “special cell for healthcare waste after treatment,” sa kanilang pasilidad.

Dito raw kasi dapat ibaon ang mga healthcare waste.

Sa ilalim ng RA No. 9003 o Solid Waste Mangement Act, nakasaad na may papel ng LGUs sa pagsisigurong naitatapon ng tama ang lahat ng uri ng basura para sa matiyak ang proteksyon ng public health at kalikasan.