-- Advertisements --

Siyamnaput-pitong porsiyento na mas nakakahawa ang Delta variant kumpara sa orihinal na strain nito, ayon sa isang infectious disease expert.

Sinabi ni Dr. Rontgene Solante, head ng adult infectious disease unit sa San Lazaro hospital sa Manila, na ang viral load ng Delta variant ay tinatayang 1,260 na beses na mas mataas kumapara sa iba pang mga strains.

Ibig sabihin, mas maraming virus ang inilalabas ng strain na ito kumpara sa ibang variants of concern.

Sa katunayan, ang isang indibidwal na kinapitan ng Delta variant ay kayang makapanghawa ng nasa apat hanggang walong katao.

Gayunman, tiniyak naman ni Solante na lahat ng mga COVID-19 vaccines sa bansa na mayroong emergency use authorization (EUA) ay nanatili pa ring epektibo laban sa anumang variants ng coronavirus.