-- Advertisements --

Pumasok na sa ika-95 na araw ang patuloy na pag-aalburoto ng Bulkang Mayon sa lalawigan ng Albay, kung saan nakapagtala ang Philippine Institute of Volcanology and Seismology (PHIVOLCS) ng panibagong minor Strombolian activity at daa-daang pagyanig.

Ayon sa pinakahuling ulat ng ahensya, namataan mula kagabi hanggang kaninang madaling araw ang mahina hanggang katamtamang pagsabog ng bulkan.

Nagbuga ito ng ash plume na umabot sa humigit-kumulang 900 metro ang taas bago tinangay ng hangin patungong kanluran.

Kasabay ng aktibidad na ito ang tuluy-tuloy na pagdaloy ng lava mula sa bunganga ng bulkan, gayundin ang pagguho ng mga bato at pagragasa ng pyroclastic density currents (PDC) o mas kilala sa lokal na tawag na uson.

Sa loob ng 24-oras na pagbabantay ng ahensya hanggang hatinggabi, nakapagrekord ang mga eksperto ng nasa 254 na volcanic earthquakes. Kabilang sa bilang na ito ang 36 na volcanic tremors na tumagal ng hanggang 15 minuto.

Bukod sa mga pagyanig, nakapagtala rin ang PHIVOLCS ng 287 na rockfall events at dalawang signal ng pyroclastic density current. Nakapaglabas din ang bulkan ng 2,428 tonelada ng sulfur dioxide kahapon.

Sa kabila ng mataas na antas ng aktibidad, nilinaw ng ahensya na nananatili sa Alert Level 3 ang estado ng Bulkang Mayon, na nangangahulugang mayroon pa ring banta ng mapanganib na pagputok.

Dahil dito, muling nagpaalala at mahigpit na ipinagbabawal ng mga awtoridad ang pagpasok ng publiko sa loob ng anim na kilometrong Permanent Danger Zone upang maiwasan ang anumang disgrasya mula sa biglaang pag-aalburoto ng bulkan.