-- Advertisements --

Kinuwestyon ng Commission on Audit ang hindi pagkakatugma sa audit ng mga gamit na binili at ipinadaan ng Philippine Air Force (PAF) sa Philippine International Trading Corporation (PITC) na aabot ng higit P530-milyon.

Batay sa audit report ng COA, hindi nagtugma ang P3.23-milyon na balanse ng PITC mula sa ibinayad ng Air Force.

Bukod dito, delayed din umano ang delivery ng halos P200-milyong halaga ng air ammunition na binili ng PAF.

Kabilang sa mga hindi pa natatanggap na procured items ng PAF mula sa PITC ang MK-82 Low Drag General Purpose Bombs na may accessory at rockets.

Ayon sa COA, nagkulang ang PAF sa cost-benefit analysis kaya napamahal ang pagbili sa naturang gamit.

Ito ay sa kabila ng mas murang alok ng US government.

“The difference/potential savings could have been utilized to procure additional air ammunition or other operational requirements had the agency continued the procurement from US government and exercised the necessary due diligence.”

Kaugnay nito inamin ng Air Force na noong Marso pa naayos ng PITC ang nasilip na discrepancy sa mga dokumento.

Nangako rin ito sa COA na tatalima sa mga susunod na rekomendasyon ng ahensya.