Nanawagan si Marikina 2nd District Rep. Miro Quimbo sa Department of Public Works and Highways (DPWH) na agad imbestigahan at suspendihin ang contractor at operator ng Iwahig at Tumana Pumping Stations matapos umanong makitang hindi gumagana ang mga ito habang binabaha ang lugar.
Personal na inspeksyunin ni Quimbo ang dalawang pumping station matapos makatanggap ng reklamo mula sa mga residente ng Tumana.
Ayon sa kongresista, wala rin siyang nakitang personnel ng operator na J.D. Legaspi Construction nang siya ay mag-inspeksyon.
Sinabi ni Quimbo na dati na niyang hiniling sa operator na tiyaking gumagana ang mga pumping station, lalo na sa gitna ng red rainfall warning.
Hiniling ni Quimbo kay DPWH Secretary Vince Dizon ang agarang pagsuspinde sa operator at pagsasagawa ng buong imbestigasyon. Aniya, dapat may managot kung mapatunayang may kapabayaan.
Ang Iwahig at Tumana Pumping Stations ay ginagamit upang makatulong na mabawasan ang pagbaha sa mga komunidad sa Marikina.
Samantala, umabot na sa second alarm ang Marikina River habang patuloy ang malakas na pag-ulan dulot ng Habagat.










