Nabunyag sa audit report ng Commission on Audit (COA) para sa 2022 ang ilang deficiencies o pagkukulang sa pagpapatupad ng Sugar Regulatory Administration (SRA) sa Block Farm Program nito na negatibong nakaapekto sa hangaring mapataas ang produksiyon ng tubo at asukal gayundin sa kita ng mga magsasaka at iba pang farm workers.
Ayon sa state auditor, sa ilalim ng Block Farm Program, ang SRA at iba pang concerned government agencies ay magbibigay ng common service facilities gaya ng farm machinery para sa mga benepisyaryong magsasaka.
Layunin ng programa na mapataas ang produksiyon sa industriyal ng asukal gayundin ang income ng mga magsasaka.
Subalit ayon sa COA, ang deficiencies sa pagpapatupad ng SRA ay nakaapekto sa magandang layunin nito.
Sa SRA Visayas, nadiskubre ng COA na ang dalawang irrigation facilities ay nakatiwangwang dahil sa kawalan ng mapagkukunang patubig kung saan naroon ang Block Farm associations habang ang ilan naman ay nag-aalinlangang gastusin ang karagdagang expenses para sa paggamit ng water pumps.
Sinabi din ng ahensiya na nagrenta ang Block Farm associations ng kanilang farm implements sa halip na gamitin ang kanilang sariling sugarcane farms dahil sa hindi akma na uri ng lupa sa specifications ng naturang equipment.
Isa din sa farm implements ay hindi pa nagagamit dahil ang moldboard na na-deform at kailangang ayusin at wala aniyang pera ang asosasyon para sa pagpapa-repair nito.
Nadiskubre din ang isang hauling truck na nagkakahalaga ng P3.8 million na ipinamahagi sa Calunasan Sugarcane Planters Association sa Calunasan, Mlang, North Cotabato ay nananatiling nakarehistro sa pangalan ng supplier at iba pang mga isyu.
Ang pinakamalala pa dito ayon sa COA, hindi man lamang nagsagawa ng pagsasanay ang SRA at supplier sa paggamit ng mga ipinadalang machineries at equipment kayat hindi pa rin ito nagagamit ng mga benepisyaryo.
Bunsod nito, inirekomenda ng COA na atasan ng SRA ang kanilang Research and Development Extension Department para ikonsidera ang paglilipat ng mga nakatiwangwang na farm implements para sa kwalipikadong mga benepisyaryo at hiniling sa mga supplier na sanayin ang mga benepisyaryo sa maayos na paggamit ng mga biniling machineries at equipments.