Pinayuhan ni Anakalusugan party-list Rep. Mike Defensor ang mga kapwa niya kongresista na pag-isipan ng husto ang issue sa speakership post.
Sa isang panayam, sinabi ni Defensor na dapat ikonsidera ang lahat ng aspeto bago bumuo ng desisyon sa naturang usapin.
Ayon kay Defensor, dapat alamin kung capable ba ang papalit sa speakership post dahil kung hindi ay mainam na manatili sa puwesto si Cayetano.
Kahapon, si Defensor ang nagmosyon na idaan sa nominal voting ang pagbasura sa alok ni Cayetano na magbitiw bilang lider ng Kamara.
Sa naganap na botohan, 184 na kongresista ang tutol sa alok na resignation ni Cayetano, 1 ang pabor at 9 ang abstention.
Kaugnay nito, sinabi ni Defensor na hindi niya ipapayo kay Cayetano na ialok ulit ang kanyang resignation pagsapit ng October 14.
Ang kampo aniya dapat ni Marinduque Rep. Lord Allan Velasco ang magdedeklarang vacant sa speakership post.
Base sa term-sharing agreement na inayos ni Pangulong Rodrigo Duterte, si Cayetano ay binigyan ng 15 buwan, o hanggang Oktubre, para maupo bilang lider ng Kamara.
Si Velasco ay mayroon namang 21 buwan o hanggang 2022 para maging House Speaker.









