-- Advertisements --

Handa si Anakalusugan party-list Rep. Mike Defensor sakali man tanggalin siya bulang chairman ng House Committee on Public Accounts kasunod nang pagkakatanggal sa kanyang kaalyado na si dating Speaker Alan Peter Cayetano.

Ayon kay Defensor, malaya si Speaker Lord Allan Velasco na pumili sa kanyang mga supporters para ipalit sa komite na kanyang hawak sa kasalukuyan.

Iginiit ni Defensor na mahalagang may suporta ng bagong lider ng Kamara ang uupo bilang bagong chairman ng House committee on public accounts gayong ito ang siyang nag-iimbestiga sa iba’t ibang ahensya ng pamahalaan.

Base sa website ng Kamara, ang naturang komite ang siyang sumisilip at bumubusisi sa “audit reports” ng performance ng lahat ng government agencies para matiyak na sila ay compliant sa mga plano at programa na ginagamitan ng pondo ng bansa.

Bagama’t supporter ni Cayetano, sinabi ni Defensor na suportado niya si Velasco bilang paggalang na rin sa institusyon.

Miyerkules ng nakaraaang linggo nang tanggalin ang isa pang kaalyado ni Cayetano na si Camarines Sur 2nd District Rep. LRay Villafuerte bilang Deputy Speaker.

Pinalitan siya ni 1-Pacman party-list Rep. Mikee Romero, na kaalyado naman ni Velasco.