Ibinunyag ni Secretary of State Mike Pompeo na ititigil na ng Estados Unidos ang defense export sa Hong Kong bilang tugon ng bansa sa desisyon ng China na pakialaman ang kalayaan sa naturang teritoryo.
Inihahanda na rin umano ng Amerika ang pagpapataw ng parehong restrictions sa US defense at dual-use ng kanilang teknolohiya sa Hong Kong tulad ng ginagawa sa China.
“The US cannot risk these items falling into the hands of the People’s Liberation Army,” ani Pompeo. “Given Beijing now treats Hong Kong as ‘One Country, One System,’ so must we.”
Ayon sa State Department, nakapag-export ang US ng $1.4 million halaga ng defense equipment at serbisyo para sa Hong Kong noong nakaraang taon, kasama na rito ang mga armas at ammunition na ginagamit ng mga kapulisan sa rehiyon.
Nagpahayag na ng pagkabahala ang ilang pro-democracy groups at foreign governments dahil maaaring sirain ng panukala ang umiiral na “one country, two systems” framework na nagbibigay garantiya sa otonomiya at judicial independence ng Hong Kong.
Noong nakaraang linggo ay inanunsyo ng administrasyong Trump na magpapatupad ito ng visa restriction sa lahat ng Chinese officials na may responsibilidad sa pangingialam sa kalayaan ng Hong Kong.










