Tiniyak ni Defense Secretary Delfin Lorenzana sa mga sumukong miyembro ng Abu Sayyaf Group (ASG) ang buong suporta ng gobyerno at hindi sila pababayaan.
Ginawa ng kalihim ang pahayag sa pakikipag-usap sa 25 ASG surrenderees sa kanyang pagbisita sa 11th Infantry Division Headquarters sa Jolo, Sulu.
Ang 25 dating ASG members na mula sa mga munisipalidad ng Patikul, Indanan, Talipao, at Parang sa Sulu, ay iprinisinta nina 11th Infantry Division Commander M/Gen. William Gonzales, 1101st Infantry Brigade Commander Col Antonio Bautista Jr., at Governor Abdusakur Tan.
Isinalaysay ng mga surrenderee na nauubos na ang puwersa ng bandidong grupo dahil sa mga naeenganyong magbagong buhay na miyembro na sinasamantala ang alok na tulong ng pamahalaan.
Sinabi naman ni Lorenzana na ang pagsuko ng maraming miyembro ng ASG ay indikasyon na epektibo ang mga programa ng gobyerno laban sa terorismo at radikalismo.
Si Lorenzana ay nagtungo sa Jolo, upang samahan si Pangulong Rodrigo Duterte sa kanyang pagbisita sa nasabing lalawigan.