-- Advertisements --

Patuloy pang nadadagdagan ang bilang ng death toll mula sa pag-atake sa isang concert hall sa Moscow, Russia.

Batay sa pinakahuling datos na inilabas ng Russian authorities, sa ngayon ay umakyat na sa 143 ang bilang ng mga indibidwal sa nasawi nang dahil sa naturang pag-atake.

Ang mga pangalan ng mga ito ay inilista ng mga otoridad sa Russian ministry for civil defense and emergency situations limang araw matapos ang naturang pag-atake sa lugar na maituturing ngayon bilang deadliest claim ng Islamic State at pinakamatinding pag-atake sa Russia sa loob ng dalawang dekada.

Kaugnay nito ay iniulat din ng mga kinauukulan na kabilang din sa mga naging biktima ng naturang karahasan ay ang anim na mga batang kasalukuyan pa ring nagpapagaling sa ngayon sa mga pagamutan, habang nasa 205 na iba pang biktima rin ang binibigyan ng outpatient care.

Kung maaalala, apat na suspek na pawang mga Tajikistan national ang naaresto ng Russian authorities na itinuturong kabilang sa mga nasa likod ng nasabing pag-atake sa Moscow.

Kaugnay nito ay nasa 11 indibidwal na rin ang inaresto ng Russia hinggil sa nasabing krimen, habang sa ngayon ay patuloy pa rin natinutugis ng mga otoridad ang itong iba pang mga suspek dito.