Sumampa na sa 8 ang bilang ng mga napaulat na nasawi bunsod ng nararanasang pagbaha at paguho ng lupa dahil sa mga pag-ulan dala ng LPA sa Davao de Oro ayon sa Provincial Disaster Risk Reduction Management Office (PDRRMO).
Ito ay matapos na marekober ang labi ng 2 pang biktima mula sa mga bayan ng Pantukan at Monkayo.
Ayon kay Fe Maestre, Information Officer ng Davao de Oro, isa sa mga biktima ay 98 anyos na lola na natabunan sa landslide habang ang isa namang biktima ay lalaki na nasawi dahil sa baha sa Barangay Kingking sa Pantukan.
Samantala, nananatiling lubog pa rin sa baha ang ilang lugar sa Davao del Norte, Davao de Oro, Davao Oriental, at Davao City.
Mayroong halos 5,000 pamilya naman ang inilikas na dahil sa malawakang pagbaha at landslides sa mga bayan ng Monkayo at Maragusan sa Davao de Oro.
Sa ngayon, aabot na sa 21 barangay ang apektado ng mga kalamidad kabilang ang Barangays Poblacion, Rizal, Mt. Diwata, Naboc, Olaycon, Pasian, Casoon, Upper Ulip, Babag, Salvacion, Union, Inambatan, San Jose, Baylo, Haguimitan, Mamunga, Awao, Tubo-tubo, Macopa, Banlag, at San Isidro.
Patuloy naman ang pamamahagi ng mga food assistance para sa mga apektadong residente at nagsasagawa naman ang pamahalaang panlalawigan ng rapid health assessment para suriin ang kalusugan ng mga inilikas na residente.