Pang depensa laban sa mga sparrow units ng komunistang New Peoples Army (NPA) ang planong pagbuo ng gobyerno ng death squad. Ito ang binigyang-diin ni Defense Secretary Delfin Lorenzana.

Ayon sa kalihim, sa datos na kanilang nakuha na sa nakalipas na tatlong taon nasa 136 na mga sundalo, pulis at mga tribal leaders ang napapatay ng sparrow units ng NPA.

Kaya nararapat lamang na may gagawing hakbang ang gobyerno at may ipantapat laban sa mga ito.

Dahil sa mga ganitong insidente, hindi maaring basta na lamang sila uupo at palagpasin ang ginagawa ng rebeldeng NPA na patayin ang kanilang mga tauhan.

Tiniyak naman ni Lorenzana na magiging maingat sila dito at kapag nagkamali ang mga sundalo maaari ang mga ito i court martial.

Aniya, ang pagbuo ng death squad ng gobyero ay legal at hindi ito maaaring ihalintulad sa extra judicial killings dahil ang magiging target ng Sparu unit ay talagang nasa likod sa pagpatay ng mga sundalo, pulis at mga sibilyan.

Ayon naman kay AFP Spokesperson BGen. Edgard Arevalo na ang pagbuo ng death squad ng gobyerno ay pagpapakita ng malasakit ng Pang Duterte sa mga sundalo na biktima ng sparrow units ng NPA.

Pangunahing layunin ng pagbuo ng death squad ay protekatahan ang mga sundalo laban sa mga patraydor na pagpatay sa mga sundalo.

Samantala, sa panig naman ng Philippine National Police (PNP) ayon kay PNP Spokesperson CSupt. Benigno Durana na nagpapatuloy pa rin ang kanilang koordinasyon sa AFP kaugnay memo 32 na inilabas ng Pang. Duterte.

Sinabi ni Durana, ongoing pa rin ang kanilang assessment sa iba pang lugar na tinukoy sa memorandum.

Una ng nagpadala ng dalawang kumpanya ng SAF troopers sa Bicol region habang dalawang batalyon naman ang ipinadala ng militar sa region 8.