Hinimok ni Sen. Leila de Lima si Pangulong Rodrigo Duterte na bawiin ang Memorandum No. 32 na nag-uutos ng karagdagang deployment ng tropa ng pamahalaan sa Samar, Negros Occidental, Negros Oriental at Bicol Region.
Sa isang pulong balitaan, sinabi ni De Lima na lalo lamang tumaas ang bilang ng kaso ng patayan at karahan sa mga nasabing lugar dahil sa memorandum order na ito.
Nabatid na layon ng deployment ng karagdagang tropa ng pamahalaan sa ilang probinsya na masupil ang “lawless violence” sa mga lugar na ito, ayon sa Malacanang.
Ayon kay De Lima, karamihan sa mga biktima ng pagpatay na ito ay pawang mga human rights advocates at mga mahihirap.
Kamakailan lang ay inihain muli ni De Lima ang kanyang Human Rights Defenders’ Protection Bill sa 18th Congress para maprotektahan ang mga human rights advocates laban sa anumang uri ng harassment at violence, lalo na sa mga tropa ng pamahalaan.