DAVAO CITY – Nakahanda ngayon ang Davao City Police Office (DCPO) sakaling may magsagawa ng protesta sa lungsod ng Davao sa pinaka-unang State of the Nation Address (SONA) ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa Hulyo 25, 2022, araw ng Lunes.
Ayon sa tagapagsalita ng DCPO na si PMaj. Ma. Teresita Gaspan, may ipapakalat na mga kapulisan sa Freedom Park sa nasabing araw.
Muling ipina-alala nito na hindi na kailangan ng permit kung sakaling magsasagawa ng rally sa Freedom Park ngunit kinakailangan ng permit mula sa City Government of Davao kung gagawin ang nasabing aktibidad sa ibang lugar.
Nanawagan na lamang ang opisyal sa mga raliyesta na ipatupad ang disiplina at pagkontrola sa sarili upang hindi maapektohan ang publiko lalong lalo na ang daloy ng trapiko.