-- Advertisements --

CEBU CITY – Arestado ang isang Danish National at ang kasama nitong Pinoy sa Bohol matapos ang isinagawang buy-bust operation ng Philippine Drug Enforcement Agency Region 7 (PDEA-7) sa Barangay Taloto, Tagbilaran City, Bohol.

Nakilala ang naturang dayuhan na si Kim Rasmussen, 55, residente ng nasabing barangay samantalang kinilala naman ang kasama nitong Pinoy na si Vinz Excel Sumatra, 23.

Sa impormasyon mula sa PDEA-7, target sa operasyon ng otoridad si Rasmussen na nakunan ng labing dalawang sachet na may pinaniniwalaang ilegal drugs na nasa 2.5 grams at tinatayang umabot sa P17,000 ang halaga.

Napag-alaman na ilang araw ng isinailalim sa surveillance ang suspek kung saan pinaniwalaan itong maka-dispose ng illegal drugs bawat linggo. Maliban dito, kusa rin umanong inanyayahan nito ang iba pang mabibiktima lalung-lalo na ang mga kababaehan upang sumali sa pot session sa loob mismo ng pamamahay nito.

Iniimbestigahan na ng mga otoridad ang posibleng koneksiyon pa ng mga suspek na nahaharap ngayon sa kasong paglabag sa Republic Act 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.