Magsasagawa ng dayalogo ang House Committee on Health sa pagitan ng PhilHealth at Philippine Hospital Association sa Agosto 24 hinggil sa updated circular ng state insurer tungkol sa temporary suspension ng claims payments.
Ayon sa chairman ng komite na si Quezon Rep. Angelina Helen Tan, ipinatawag niya ang pulong na ito para maipaliwanag ng husto ng PhilHealth ang layunin ng circular na ito at para na rin maayos ang hindi pagkakaintindihan ukol dito.
Hindi aniya dapat hayaan na lumala ang hindi pagkakaintindihan na ito lalo na ngayong patuloy na hinahamon ng COVID-19 pandemic ang bansa.
Nauna nang sinabi ni PHA president Dr. Jaime Almora na ilang ospital sa bansa ang naalarma sa panibagong circular na ito ng PhilHealth.
Hindi pa nga kasi aniya nababayaran ng PhilHealth ang ilang bilyong utang nito sa reimbursements kaya natatakot sila na ang mga iniimbestigahan na COVID-19-related claims ay kalaunan maideklarang “fraudulent” na makakaapekto rin sa reputasyon ng mga ospital na ito.