Kinumpirma ng dating warden ng Davao Prison and Penal Farm na tinawagan siya ni President Rodrigo Roa Duterte at binati matapos mapatay ng dalawang inmates ang tatlong Chinese drug lords sa loob ng kulungan.
Ginawa ni Supt. Gerardo Padilla ang kaniyang affirmation sa ibinigay niyang supplemental affidavit sa Quad Committee na kaniyang nilagdaan nuong September 4,2024.
Sa supplemental affidavit ni Padilla, sinuportahan nito ang pahayag nina Leopoldo “Tata” Tan Jr. na nagsasabing tumawag si dating Pangulong Rodrigo Duterte kay Padilla para ito ay batiin matapos naging matagumpay ang misyon na paslangin ang tatlong Chinese drug lords na sina Chu Kin Tung alias Tony Lim; Li Lan Yan, alias Jackson Li; at Wong Meng Pin, alias Wang Ming Ping.
Ayon kay Padilla habang naglalakad siya kasama sina Tan at Magdadaro na naka posas patungo sa investigation section tumawag sa kaniya ang dating Pangulong Duterte.
Sinabi din ni Padilla na agad niya sinabihan ang kaniyang mga kasama na tumawag si Presidente at binati siya.
Ipinunto ni Padilla na nababahala siya sakaniyang seguridad at ng kaniyang pamilya sa Davao City dahilan na napilitan lamang niya sabihin sa kaniyang counter-affidavit nuong August 27, 2024 na wala siyang natanggap na tawag galing kay dating Presidente Duterte.
Sa kaniyang second supplemental affidavit na nilagdaan nuong September 9 kaniyang pinatunayan ang pahayag ni dating policeman Jimmy Fortaleza hinggil sa mga sirkumstansiya sa pagpaslang sa tatlong drug lords.
Inamin din ni Padilla na nag-usap sila ni Royina Garma sa telepono at sinabihan siya na huwag siya makikialam.
Kinausap din siya ni Col. Leonardo at sinabihan siya na papatayin na nila ang tatlong Chinese.
Si Garma ay kilalang malapit kay dating Pangulong Duterte at sa kalaunan ay itinalaga bilang PCSO general manager.
Isa si Garma sa resource persons sa Quad Comm hearing na nag-iimbestiga sa extra-judicial killings, illegal drugs at POGO.