-- Advertisements --

Tutol ang pamahalaang lungsod ng Davao City sa planong pagtatayo ng foreign military sa rehiyon, kasunod ng ulat na maaaring magtayo ng fuel storage facility sa Davao.

Nauna nang sinabi ng Armed Forces of the Philippines (AFP) na sinusuportahan nito ang naturang proyekto sa Mindanao, dahil makakatulong umano ito sa pagpapalakas ng depensa at operasyon ng militar, kabilang sa West Philippine Sea.

Gayunpaman, iginiit ng lokal na pamahalaan na hindi nito susuportahan ang proyekto kung wala itong direktang benepisyo sa publiko, lalo na sa gitna ng tumataas na presyo ng langis at bilihin dulot ng digmaan sa Middle East.

Ayon kasi sa United States Naval Institute, plano ng Pentagon na magtayo ng Defense Fuel Support Point (DFSP) sa Southern Philippines pagsapit ng 2028. Ang pasilidad ay inaasahang mag-iimbak ng hanggang 41 milyong galon ng fuel at iba pang produktong petrolyo para sa operasyon ng militar ng Estados Unidos.

Mariin ding tinutulan ng Bagong Alyansang Makabayan (BAYAN)-Southern Mindanao ang proyekto, na anila’y paglabag sa soberanya ng bansa at maaaring maglagay sa rehiyon sa panganib bilang posibleng target ng mga kalaban ng U.S.

Samantala, tiniyak naman ng AFP na ang nasabing pasilidad ay mananatiling kontrol ng Pilipinas at magsisilbing panangga laban sa mga banta sa seguridad.