DAVAO CITY – Naglabas na rin ng kautusan si Davao City Mayor Sara Duterte-Carpio sa pagba-ban ng mga karne at alagang hayop mula sa mga lugar na apektado ng African Swine fever (ASF).
Batay sa inilabas na order ng alkalde, nakasaad ang pagbabawal nito na makapasok sa loob ng siyudad ng ano mang uri ng produkto ng karneng baboy na galing sa Luzon at ASF-affected areas.
Ipinagbabawal din muna ni Duterte-Carpio sa mga local hog raisers ng siyudad na pakainin ang kanilang mga alaga ng kaning baboy o raw swilled feed.
Pinasisiguro ng alkalde na may kaukulang mga dokumento gaya ng veterinary health certificate at animal inspection certificate ang mga iba-biyaheng karneng baboy mula sa siyudad.
Pinatitiyak din nito na hindi makakalabas sa mga palengke ng Davao City ang meat products mula sa mga baboy na iligal na kinatay.