-- Advertisements --
Minalabac, Camarines Sur

NAGA CITY – Patay ang isang retired army matapos pagbabarilin ng hindi pa nakikilalang suspek sa Barangay Antipolo, Minalabac, Camarines Sur.

Kinilala ang biktima na si Edgar Pillosis, 51-anyos, residente ng nasabing lugar.

Sa panayam ng Bombo Radyo Naga kay Police Staff Sgt. Ernesto Verdadero Jr., imbestigador ng Minalabac Municipal Police Station, sinabi nitong habang nagpapahinga ang biktima sa sala ng kanilang bahay nang bigla na lamang itong pinagbabaril ng hindi pa nakikilalang suspek.

Sa inisyal na imbestigasyon ng mga otoridad, inilarawan ng asawa nitong isang lalaking naka-facemask at naka-itim na jacket na bumaril sa biktima.

Dahil sa nasabing insideten, nagtamo ng matinding tama ng bala ng baril ang dibdib at binti ni Pillosis.

Agad naman itong dinala sa hospital para sa gamutin ngunit tuluyan na itong binawian ng buhay habang ginagamot ng mga doktor.

Samantala, ayon pa kay Verdadero, narekober ng mga otoridad sa pinangyarihan ng insidente ang tatlong slug ng caliber 45 na baril na posibleng ginamit ng suspek sa krimen.

Sa ngayon ay nagpapatuloy pa rin ang isinasagawang imbestigasyon ng mga awtoridad gayundin ang pagtunton sa pagkakakilanlan ng at posibleng kinaroroonan ng suspek para sa kaukulang disposisyon.