Naghain ng motion for reconsideration si dating Senador Leila De Lima sa Muntinlupa Regional Trial Court 256 matapos ibasura ng korte ang kanyang petisyon na makapagpiyansa noong Hunyo 7.
Sa 22-pahinang mosyon, sinabi ng kampo ng dating Senador na gumawa ang korte ng isang malubhang pagkakamali subalit maaari pang baliktarin dahil sa paggamit nito ng probable cause bilang pamantayan sa pagpapatunay ng pagbasura nito sa hirit na piyansa sa halip na patunayang mabigat ang ebidensya ng pagkakasala nito.
Giit pa ni De Lima na nagkamali rin umano ang korte sa pagsasabing sangkot ang dating Senador sa paggamit ng mga preso sa New Bilibid Prison at sa “Oplan Galugad” para sa illegal drug trade sa piitan.
Nakasaad din sa mosyon na ang korte ay nakagawa umano ng jurisdictional errors na katumbas ng malubhang pag-abuso sa pagpapasya sa naging utos nito at nagkamali din sa hindi pagbibigay ng piyansa base sa makataong batayan.
Sa kabila nito, umaasa ang kampo ni De Lima na muling isasaalang-alang ng korte ang desisyon nito at pagbibigyan ang kanilang mosyon para sa piyansa matapos ang pagpapawalang-sala sa Senadora kamakailan sa isa sa dalawang natitirang drug cases laban sa kaniya.