-- Advertisements --
image 534

Iginiit ng dating pulis na si Wilfredo Gonzales na naayos na nila ng siklista ang kanilang hidwaan.

Ito ay matapos kumalat online ang video ni Gonzales na bumunot ng baril at sinaktan ang isang siklista sa Quezon city.

Ayon kay Gonzales, pumunta sila ng siklista sa isang police station at nagkasundo na magpatawad sa isa’t isa at kalimutan ang nangyari.

Gayunpaman, sinabi ng Bike enthusiast at abogado na si Raymond Fortun na sinabihan siya ng siklista na pinilit lang ito ni Gonzales na pumunta sa pinakamalapit na presinto ng pulisya at sinabihan pa na magbayad ng P500 para sa pinsala sa kanyang sasakyan.

Ani Fortun, pinuwersa ang siklista na pumirma ng isang kasunduan na inaamin nito na siya ay may kasalanan at kailangan niyang magbayad ng P500.

Sinabi ng PNP na si Gonzales ay dating pulis. Nagretiro siya noong 2016 ngunit noong 2017 ay nagkaroon ng dismissal order, na nakaapekto sa kanyang mga benepisyo.

Kinansela naman na ng PNP ang lisensya ng baril ni Gonzales, firearm registration, at permit to carry.

Nakumpiska na rin ang tatlong baril sa ilalim ng kanyang pangalan.