Pinayuhan ni Deputy Speaker Rodante Marcoleta si dating PS-DBM chief Christopher Lloyd Lao na magpasaklolo na sa Korte Suprema sa harap ng nagpapatuloy na imbestigasyon ng Senado sa pagbili ng pamahalaan ng pandemic supplies.
Sa pagdinig ng House committee on good government and public accountability, sinabi ni Marcoleta na ang Senado ay hindi prosecutors office.
Kasunod ito nang pag-aamin ni Lao na nakaranas siya ng pressure at pamamahiya sa kanyng pagkatao sa mga nakalipas na pagdinig ng Senado.
Ayon kay Marcoleta, may jurisprudence na ang Korte Suprema sa kaparehong issue na ito kung saan ang pinagbigyan ang mga petitioners sa Bengson vs Senate Blue Ribbon Committee sa kanilang apela na huwag nang makibahagi sa imbestigasyon ng mataas na kapulungan.
Sinabi ni Lao na dumalo sa pagdinig ng Senado dahil nais niyang makatulong sa imbestigasyon bilang siya ay dating chief ng PS-DBM, na nanguna sa pagbili ng mga pandemic supplies.
Pero makalipas ang una at ikalawang pagdinig, lumalabas aniya na tila hindi in-aid of legislation ang imbestigasyon ng Senado dahilan para maisip nga rin niyang dumulog sa korte pero hindi ito natuloy dahil nang binalak na niyang pumunta sa Maynila ay nagpalabas na rin aniya ng statement hinggil sa umano’y tangka niyang pagtakas sa ibang bansa.
Sa takot niyang maaresto, sinabi ni Lao na hindi na lamang siya tumuloy sa pagpunta sa Maynila at makibahagi na lamang sa imbestigasyon ng Senado.
Magugunita na kamakailan lang ay idinitine sa Senado si Pharmally Pharmaceuticals Corp. director Linconn Ong matapos itong ma-cite for contempt.