CCAUAYAN CITY- Tiwala ang dating Pangulo ng Integrated Bar of the Philippines na babalansehin ng International Criminal Court (ICC) ang lahat ng circumstancial evidence sa drug war ng administrasyong Duterte.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan , inihayag ni Atty. Domingo Egon Cayosa, dating pangulo ng IBP na walang kostodiya ang Pilipinas sa anumang aksiyong maaaring gawing ng International Criminal Court may kaugnayan sa muling pag-iimbestiga sa human rights violations, extra-judicial killings sa drug war ng administrasyong Duterte.
Aniya, bagamat kumalas na ang Pilipinas sa ICC ay mayroon pa ring hurisdiksiyon ang ICC sa Pilipinas na naging dahilan upang pagbigyan ang administrasyon pangunahin na ang DOJ na magsagawa ng hiwalay na imbestigasiyon, subalit dahil hindi kumbinsido ang prosecutor sa resulta ng isinasagawang imbestigasiyon ng DOJ ay muling ini-lobby na mabuksan ang imbestigasyon na pangungunahan ng ICC.
Matatandaang una na ring nilinaw ni Pangulong Rodrigo Duterte na hindi niya direktang ipinag-utos na patayin ang sinumang gumagamit ng iligal na droga sa halip ay binigyan niya ng kapangyarihan ang pulisya na ipagtanggol ang kanilang sarili sa oras ng kapahamakan kung manlaban ang mga drug suspects.
Hindi naman malinaw sa ngayon kung sa naturang aksiyon ng Pangulo o pag kambiyo sa mga nauna nang pahayag sa kasagsagan ng war on Drugs ay makakaapekto sa gagawing imbestigasiyon ng ICC gayunman mas pagtutuunan ng pansin ang panahong talamak ang pagpatay sa ilalim ng pamamahala ni Pangulong Rodrigo Duterte.
Natitiyak naman ni Atty. Cayosa na susuriin ng mabuti at titimbangin ng ICC ang lahat ng mga ebidensiya at circumstancial evidence na nakalap may kaugnayan sa pagkasawi ng mga drug suspect o hinihinalang nagtulak ng iligal na droga.