Inamin ni dating Sen. Richard Gordon na kahit paano ay natuwa naman siya na sa wakas ay makakasuhan na sa korte ang mga sangkot sa bilyon-bilyong procurement ng anti-COVID-19 kits na binili noong kasagsagan ng pandemya.
Ayon kay Gordon sa panayam ng Bombo Radyo, welcome development ang pag-usad ng kaso at sana raw ay mapanagot talaga sa batas ang mga tiwaling opisyal, pati na ang mga kasabwat ng mga ito sa pribadong sektor.
Kabilang sa mga pinakakasuhan ng Ombudsman ng graft charges sina dating Procurement Service-Department of Budget and Management (PS-DBM) Undersecretary Lloyd Christopher Lao, dating PS-DBM procurement group director at ngayon ay Overall Deputy Ombudsman Warren Rex Liong, Pharmally official na si Mohit Dargani, kapatid nitong si Twinkle at maraming iba pa.
Matatandaang si Gordon ang nanguna sa imbestigasyon ng Senado sa nasabing kontrobersiya, bilang chairman ng Senate blue ribbon committee.
Sa kabila nito, nakukulangan naman si Gordon dahil mas mabigat na kaso pa sana ang dapat ihain laban sa mga tiwaling opisyal at mga kasabwat nila.
Kung tutuusin aniya, maliit na bahagi pa lang ng anomalya ang naungkat ng Ombudsman dahil sa kanilang mga hearing ay mas malaki pa sana ang halagang dapat na habulin laban sa mga idinadawit na personalidad.
Hindi rin daw tiyak kung tunay na napakinabangan ng mga mamamayan, mga medical personnel at iba pa ang mga binili gamit, dahil ang ilan sa mga iyon ay lumilitaw na depektibo, luma o sadyang mahina ang kalidad.